Fe Zamora writes “Magdalo cooks up another coup: A soldier’s cookbook”

In Inquirer :
Fe Zamora writes “Magdalo cooks up another coup: A soldier’s cookbook”

Sinabi ng mga praning na opisyal ni Gloria Arroyo na nagre-recruit daw ang mga miyembro ng Magdalo sa Bicol.

Sabi ni Interior Secretary Ronaldo Puno, handa raw sila kung ano man ang niluluto ng Magdalo.

Nakakatawa, ano?

Paano naman magre-recruit ang mga Magdalo ay nakakulong ang mga lider noon. Hanggang ngayon nga hindi maka-upo si Sen. Antonio Trillanes IV sa Senado dahil binabale wala ng korte ang kagustuhan ng taumbayan na ipinahiwatig sa pamamagitan ng 11 milyon na bumuto kay Trillanes.

Katulad rin ng suspetsa nina AFP Chief Hermogenes Esperon na ugnayan ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at ang mga nakakulong na mga opisyal ng Marines at Scout Rangers sa Camp Capinpin sa Tanay.

Sabi nga ni Lacson, “kung ako ang magre-recruit (para sa kudeta), bakit naman ang mga naka-kulong ang aking kausapin?” Common sense lang, di ba?

Kung may niluluto man si Trillanes, yan ay “Calamares”. Totoong ulam na calamares.

Ito ay makikita sa bagong labas na librong, “Pulutan – from the Soldiers’ Kitchen” na gawa ng dalawang Magdalo officers – sina Ensigns Elmer D. Cruz at Emerson R. Rosales. Kami ng aking kaibigang si Yvonne Chua ang nag-edit.

Isang daang recipes ng pulutan ang laman ng libro. Maliban sa sarili nilang mga recipes, may kontribusyon ang kapwa nilang mga nakakulong na opisyal.

May mga mai-ikling kwento kung paano nila nabuo ang mga recipe at ang isa ay tungkol sa “Calamares a la Trillanes”.

Sinabi ni Emerson, sa isang hearing sa Camp Aguinaldo (sa Fort San Felipe sa Cavite nakakulong sina Elmer at Emerson samantalang si Sonny Trillanes ay sa Fort Bonifacio), nag-usap sila ni Trillanes kung ano ang kanilang gagawin kapag sila ay makalaya.

Nangako sila sa bawat isa na mag- “gimik” or food trip. Sabi ni Trillanes, “Kahit saan basta may seafood!” Hiningi ni Emerson ang kanyang favorite pulutan at binigay niya ang recipe ng pritong pusit.

Nakakatuwa ang mga recipes at ang mga title. Meron silang “Kapalmuks”. Balat ng baka yun. Dapat kay Gloria Arroyo yun at ang kanyang mga alagad. Mayroon din “Kiss my Chicken Ass” . Bagay sa mga sipsip.

Opisyal sa Philippine Navy sina Elmer at Emerson. Kaya nakapag-ikot sila sa bansa. Ang kanilang mga recipes ay galing sa lahat na parte ng Pilipinas.

Mabibili ang “Pulutan – from the Soldiers’ Kitchen” sa International Book Fair sa World Trade Center sa booth ng Anvil Publishing, ang publisher nitong libro. P125 bawat kopya ngunit may 20 percent na discount. Hanggang ngayong araw lang ang Book Fair.

Pagkatapos ng Book Fair, mabibili ang “Pulutan” sa National Book Store.

Impt. note: We've purged the old User database during the last WordPress upgrade. You need to register again. Sorry for the inconvenience.

Comments