Ang Himagsikan Ng Mga Pilipino

Bungad Panawagan

WALA AKONG katungkulan sa pamahalaan ng Pilipinas mula nuong Mayo 1899 hanggang sa sumunod na Deciembre, nang dakpin ako ng mga Arthur MacArthur sundalong Amerkano. Ni hindi ako nakatira sa malapit sa pamahalaan, ngunit inako kong tungkulin na ipaglaban ang hangarin ng bayan. Paniwala ko rin na dapat ilahad ko sa usisa ng mga tao ang aking mga tinangka at mga ginawa sa aking panunungkulan, ngayon at nararamdaman kong patapos na ang aking mga pagsisikap.

Mula nuong ako ay mabihag ng mga Amerkano, at bago nila ako ipinatapon dito sa Guam, naging karangalan kong makausap nang masinsinan at ilang ulit sina General Arthur MacArthur at General J.F. Bell tungkol sa pagwawakas ng digmaan at pagpapayapa sa buong kapuluan. Matatanto ang aking asal sa isang sulyap lamang sa aming pag-uusap, sinimulan ng 2 general sa pahayag na sabik silang umaasa na tutulong ako sa pagpapayapa ng kapuluan at sa ganoong paraan lamang daw makakamit ng mga Pilipino ang kanilang ikabubuti. Sinagot ko na mahal din sa akin ang hangaring ito at itinanong ko sa kanila kung

paano ako makakatulong. Nuon nila sinabi na magtitiwala sila sa akin at tatanggapin ang aking paglilingkod kung tapat kong tatanggapin ang pagsakop ng America, lalo na kung tutulong akong magtatag ng uri ng pamahalaan na, sa palagay nila, ay ikaliligaya ng mga tao.

Tumanggi ako. Oras na gawin ko iyon, ang sabi ko, mawawala ang tiwala ng mga tao sa akin, sa init ng kaluoban nila nuong mga panahong iyon, kaya magwawalang silbi ang aking pagpapayapa o ano pa mang gawaing subukin ko. Inakala ng 2 general na ang sagot ko ay pagtatakip lamang sa hangad kong matatag na tumuligsa sa mga pakana ng mga Amerkano.

Ito ang dahilan, sabi nila sa akin, naniniwala sila na ang tigas ng ulo ko, at ni Ginoong Aguinaldo, ang tanging balakid sa pagpapatahimik sa bayan, katahimikang walang tigatig nilang makakamit kahit na umabot sa pagpapatapon sa akin at sa sinumang tumangging sumuko sa America.

Ang himagsikan, sabi ko sa kanila, ay hindi nagmula sa pagnanasa ng iisang tao kundi sa pagkasawi ng mga hangarin ng lahat ng tao. Naniniwala ako na kapag lantad na sinalungat namin ni Ginoong Aguinaldo ang mga hangaring ito, maglalaho ang pagtingin ng mga tao sa amin at wala kaming magagawa upang hadlangan ang muling pagsabog ng aklasan, sa madali o malayong panahon, sa pamumuno ng ibang tao.

Walang silbi ang pagpatapon

Ang tunay na katahimikan, sabi ko, ay makakamit lamang kung mauunawaan ng mga Amerkano kung paano mahuhuli ang kalooban ng mga Pilipino, at ang paggamit ng dahas at pagparusa ay labag sa kalooban ng mga tao.

Suriin ninyo ang karanasan ng yumaong pananakop ng mga Español, ang sabi ko, ang pagpatapon sa mga tao ay nagpasidhi lamang sa muhi at pakikibaka ng mga tao sapagkat kalupitan at hindi katarungan ang parusahan, ipiit at ipatapon ang mga bihag na hindi man lamang pinaharap sa hukuman.

Sa halip na kalabanin ang mga balak ng mga Amerkano, sabi ko sa kanila, tinangka ko ngang ihayag nang malinaw ang hangarin ng mga naghihimagsik, pati na ang lahat ng mga tao, at nang sa gayon, maiwasan ng mga Amerkano ang pagpapairal ng mga tuntunin na maaaring ikagalit pang lalo ng mga Pilipino. Kaya pinipilit kong hindi mawala ang tiwala ng mga tao sa akin, at patuloy akong magkaroon ng silbi hindi lamang sa mga Pilipino kundi pati na sa mga Amerkano.

Maaari kayong magkamali, sabi ko sa mga general, sa tantiya niyong mahuhupa ang aklasan ng bayan kapag nabihag at naipatapon si Aguinaldo.

Sa ganoong pangyayari, kakailanganin ninyo ang tulong ng mga Pilipino na pinagkakatiwalaan pa ng mga naghihimagsik upang makamit pa rin ang katahimikan ng kapuluan. Sinabi kong may mga higit na mahusay at may mga higit na pinagkakatiwalaan ng mga naghihimagsik, kaya ako ay maghihintay na lamang sa tabi upang ialay ang aking tulong kung sila man ay mangailangan o masawi sa pagpapayapa ng bayan.

Sa matama kong pagsuri ngayon sa mga sumunod na pangyayari, wari ko ba’y walang katuturan ang pagpapatapon sa akin dito sa Guam, sa nangyaring pagbihag kay Aguinaldo at kay Vicente Lukban, o sa pagsuko ni Miguel Malvar at ng iba pang pinuno ng himagsikan. Kabaligtaran, paniwala ko na nagpatagal pa ng labanan at nagpadami pa sa mga napatay.

Naturing na gawain ng mahina ang makipagkasunduan, kaya walang nalalabing paraan na makapagpapayapa kundi pagpuksa sa mga naghihimagsik. Nagsikap tayo nang sukdulan sa panalig nating dapat ipagtanggol ang ating dangal at kalayaan sa abot ng ating kakayahan upang magkakaroon ng katarungan at pantayan sa lipunan ng mga tao at mga sumasakop na dayuhan, ngunit hindi karaniwang nagwawagi ang mahina laban sa malakas, kaya alam din natin na hindi magtatagal, mauubos ang ating lakas at tayo ay tiyak na matatalo.

Wasak Na Español Sumumpa ng pananalig sa America

Nang sumuko ang daig karamihan ng mga tao sa pagsakop ng mga dayuhan, nawalan ng katwiran ang magpatuloy ng pakikibaka sapagkat salungat na ito sa pasiya ng mga tao. Katotohanan, sumanib na sa mga Amerkano ang maraming naghihimagsik nuong hindi sila nakalaya sa sariling kakayahan dahil sa lakas ng hukbong Amerkano, at umasa na lamang sa mga pangako ng America. Ang pagsuko ng mga kahuli-hulihang pangkat ng aklasan ay sinundan ng pahayag ng kapatawaran sa lahat, at nuong Agosto 24, 1902, sinabi sa aming mga naipatapon dito sa Guam na malaya kaming makakabalik sa Pilipinas kung aamin kami sa pagsakop ng America sa Pilipinas, at susumpa kami ng pananalig sa America nang tapat at walang pag-iimbot.

Nadama kong hindi ako makakasumpa hanggang hindi ako tiyak na dapat kong gawin ito, kaya sinunod ko ang aking budhi at hiniling na ibalik ako sa Manila bilang isang bihag, ayon sa pahayag na ang ‘pagsumpa ay gaganapin sa anumang pook ng Pilipinas na may Amerkanong may sapat na kapangyarihang tumanggap sa sumpa.’ Pumayag ang governador ng Guam na ipadala ang aking hiling sa mga maykapangyarihan, ngunit hindi niya sinabi sa akin na aabutin ito nang matagal at bandang katapusan na ng Deciembre nang mapagpasiyahan ang aking hiling. Naghintay pa rin ako nang buong tiyaga. Tapos, nuong Febrero 9, 1903, inabót sa akin ng pinuno ng bilangguan ang sulat ng governador na malaya akong makakapunta kahit saan maliban sa Pilipinas, na kailangan akong sumumpa ng pananalig sa America bago ako makabalik ng bayan. Humingi ako ng dagdag na panahong pag-isipan ito sapagkat mahirap para sa akin na magpasiya tungkol dito.

Upang makauwi sa sariling bayan

Sa unang tingin, madaling sumumpa ngunit gaya ninuman, may mga paniwala akong sinusunod at isa rito ay, ang lahat ng kapangyarihang sumasaklaw sa mga tao ay likas na nakasalalay sa mga tao na rin, kaya ang pagsumpa ng pananalig sa pagsakop ng America sa Pilipinas ay maniwaring labag sa batas ng kalikasan na ipinataw ng Maykapal sa daigdig mula pa nuong simula ng panahon. Inukilkil ako ng aking budhi, kalapastanganan ang sumumpa sa ngalan ng Maykapal ng paglabag sa kanyang kautusan.

Isa pa, kung ang pag-iisip at pagsasalita ay kasama sa mga kalayaan ng mga mamamayan ng Pilipinas, makatarungan bang pilitan akong itatwa ang aking mga pinaniniwalaan, nuong sandali mismong mangangako akong mamumuhay na ng marangal at mapayapa? At pagkatapos sumumpa, lalabag ba ako sa pananalig sa America kung iadhika ko na bawasan ang kapangyarihan ng America, paliitin ang pagsakop nito sa Pilipinas, at itanghal ang sariling pamahalaan ng mga Pilipino sa sandaling makayanan nilang ganapan ito, ayon sa pangako na rin ng pamahalaan ng America?

Hindi ba pagtataguyod ng kasinungalingan ang pilitin ang mga Pilipino na sumumpa nang salungat sa batas ng kalikasan? Hindi ba mas mainam

humanap ng ibang paraan upang mapairal ang kapayapaan sa Pilipinas?

Totoong magiging sawi ang anumang tangkang mamahala batay lamang sa mga adhika sapagkat ang pangangasiwa sa mga tao ay likas na pagganap sa mga maaari lamang tuparin; ngunit totoo rin na ang pamamahala na walang batayan o labag sa mga adhika ay kalabisan, kalupitan pa, dahil nakakabulok sa lipunan. Ang tagumpay ng pamamahala ay nakakamit sa pagkakasundo ng maaaring tuparin ayon sa mga atas ng kalikasan, at sa mga kailangan ng mga tao. Ang pagsunod dito ay maaatim lamang sa tulong ng karanasan at ng mga adhika; ang pagkatalo ng pamahalaan ay sanhi ng mga paglapastangang bunga ng ganid at kawalang muwang. Kung matagumpay man ang pamamahala sa America, ito ay sanhi ng taimtim na pagsunod sa mga adhika ng kanilang Pahayag ng Kalayaan (Declaration of Independence), at ng Mga Karapatan ng Tao (Rights of Man), mga bunga ng pagsusuri ng mga alituntuning likas sa daigdig.

Matapos ng mahabang pagtatalo ng aking damdamin, natanto ko ang dapat tuparin, at ako ay natahimik, nasiyahan ang aking budhi, at nagpasiya akong sumumpa ng pananalig sa America dahil ito ay hindi maiiwasan, dahil higit na mahalaga kaysa sa pagmamahal sa katotohanan ang pag-ibig na makabalik sa sariling bayan.

Mga Katipunero Isapi ang Pilipinas sa España

Sa maraming kasaysayan ng digmaan at paghahamok sa daigdig, lagi nating nababasa na ang katarungan at katwiran, gaya ng mga lungsod at mga tanggulan, ay lagi nang sumusuko sa may lakas at kapangyarihan, dahil kailangang patuloy na mabuhay ang mga tao, kahit na sila ay masakop at mapasa-ilalim ng manlulupig. Sapagkat ang pagkawala ng buhay ay pagkawala na rin ng katarungan, ng lahat. Ngayong sumuko na ang mga Pilipino sa pagsakop ng America upang hindi sila mapuksa, ang manatili ako sa Guam ay pagsalungat sa kanilang kagustuhan, at pagpapatuloy lamang ng paghahamok na tinanggihan na nila.

Nuong nagpasiyá ang mga tao na makibaka, inako kong tungkulin na makipaglaban sa tabi nila hanggang sa anumang kahinatnan; ngayong hapo at nanghihina na ang mga tao, inaako ko namang tungkulin ang tulungang kupkupin ang kanilang damdamin, payuhan silang huwag mawalán ng pag-asa at patuloy na manalig sa kanilang kakayaháng makamit ang katarungan at kalayaan sa mga darating na araw. Inaamin ko na duwag akong manawagan sa mga tao na mag-aklas, nuong sila ay nasisiyahan pang mabuhay nang mapayapa sa ilalim ng mga malupit na Español. Nagsikap ako kasabáy nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar at iba pang nananawagan, matapos ibulgar ang mga kalabisán ng mga frayle, na isapi ang Pilipinas sa kaharián ng España bilang isang lalawigan.

Para lamang hindi matuloy sa madugong pakikibaka ang paghahangad ng mga Pilipino na makaligtas sa kabuktután ng mga frayle. Para lamang hindi naisin ng maraming Pilipino na tumiwalag nang tuluyan at maging malaya na mula sa España. Para lamang hindi matatág ang mga marahás na lipunan, gaya ng Katipunan, o maganáp ang pakikihamok gaya ng himagsikan nuong 1896. Hindik sa dalamhati at pagdurusang magaganáp, hindi ako sumapi sa Katipunan at hindi ako kumampi sa himagsikan.

Kilalanin ang mga karapatan ng tao

Nuon lamang 1898, nang matanaw ko sa buong paligid ang mahigpit na pagmamalupit ng mga Español, nuong parusahan pati ang mga nagmamahal sa España na nagtangkang lunasan ang mga kalabisan ng mga frayle, nuon ko lamang nabatid nang husto ang hangaring ng mga tao, at ang tungkulin ko na tumulong sa himagsikan upang ibagsak ang makaluma at walang silbing pagsakop ng mga dayuhan, ang kinailangang pagtatag ng bagong pamahalaang magkukupkop sa mga Pilipino at magdadala sa atin sa kabihasnan at pagbubuti. Sumanib ako sa himagsikan nuon bilang pagsunod sa mga tao; iiwan ko ang himagsikan ngayon sa dahilan ding ito, - ito ang pasiya ng mga tao.

Ang mga ginawa ko sa nakaraan ang siyang maghuhugis sa mga gagawin ko sa mga darating na araw. Sa halip na magpakana ng pag-aaklas, sisikapin kong maiwasan ito sapagkat sa panahon ng payapa, ito ang tungkulin ng bawat mamamayang nagmamahal sa bayan. Ang bangis ng pakikihamok ko nuong himagsikan ay gagamitin ko ngayon upang makamit ang mga karapatan ng mga Pilipino, sapagkat sa ganitong paraan tiyak na mapagtitibay ang kapayapaan at maiiwasan ang himagsikan. Nakibaka tayo hanggang maubos ang ating lakas at katwiran, wala tayong napala kundi

ipakita ang ating pag-ibig sa kalayaan.

Ngayon, kinikilala na ng America na may karapatan ang mga Pilipino na magkaroon ng kalayaan, kahit na bahagya lamang, nang hindi masyadong maging supil ang ating mga buhay. Nasasa atin ang ipakitang ito nga ang mithi natin, ang kalayaang mapayaman ang ating lahi at kalagayan upang magkasapat na puhunan tayong singilin ang ipinangakong kalayaan mula sa mga Amerkano. Pagtitibayan ko na tutuparin ng America ang pangako nila ng kalayaan dahil batid nila na

  • Hindi ninais ng mga Pilipino, na katunayan ay sapilitan, ang ginawang pagsakop ng America
  • Ang pagpatuloy ng payapa ay nakasalalay sa pagturing na gagawin sa mga Pilipino
  • Ang pagsupil sa mga pulong ng Pilipino upang manawagan para sa kapakanan ng mga tao, gaya ng Liga Filipina, ang nagbunga ng mga lihim na lipunan gaya ng Katipunan na nawagan ng aklasan
  • Sa huli, ang pagsakop na hindi marunong humarap sa gumigising na hangarin ng mga tao na makipag-ugnay sa kabihasnan ng ibang bayan ay magsusulsol sa mga tao na tumiwalag sa pagsakop, habang ito ay nagpapalawak ng bulok at katampalasan sa pamahalaan ng sumasakop.
  • Nalipol Sa Santa Ana Pagtupad lamang sa aking tungkulin

    May sariling dangal ang mga Amerkano dahil batid nila ang kanilang lakas, at maalam sila sa mga gawi ng mondo, kaya idadagdag kong payo na walang dahilang maghinalaan ang magkabilang panig, sa panahong ito na kailangang kalimutan na ang mga nakaraang puot, dapat waksi at palitan ng kasunduan at pakikipag-isa ng Pilipino at Amerkano. Hindi lamang ipinangako ng America na ang ganitong samahan ang tiyak na siguro ng ating pagligaya, sapilitan pang pinaniwala nila tayo nang akuin nilang mangasiwa sa ating kapalaran. Harinawa, ngunit sa kasalukuyan, pagsikapan nating mapagbuti ang ating kalooban at pag-iisip nang maging angkop sa anumang marangal at karapat-dapat na matamasa natin sa buhay, sa pag-asang mahahawi sa mga darating na araw ang takip sa tunay na ligaya at luwalhating naghihintay sa atin.

    Ngayon, dahil hinihingi ng hina ng aking katawan na mamuhay nang tahimik, bumabalik ako sa pinanggalingang bayan upang magkubli, naitaboy ng mga pangyayari sa hindi pagpansin ng madla, at itago ang aking kahihiyan at dalamhati hindi dahil nagkulang ako sa dangal kundi nagkulang ako sa paglilingkod. Hindi ako ang makapagsasabi kung mainam o bansot ang mga ginawa ko, kung ako ay tama o mali, ngunit ipipilit kong sabihin ngayon, sa huli, na wala akong ginhawa sa pait at lungkot ng aking nalalabing buhay maliban sa kasiyahang lagi kong tinupad ang aking tungkulin.

    Nawa’y idulot ng Maykapal na masabi ko uli ito sa oras ng aking pagpanaw.

    Comments